Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo
Isinasagawa ng ating pamayanan ang pagsisiyam mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 6. Narito ang mga panalangin mula sa aklat na ginagamit ng ating kapilya.
Mga bahagi
- Mga pambungad na panalangin
- Panalangin sa araw-araw
- Panalangin sa bawat araw
- Mga misteryo ng Santo Rosaryo
- O Hesus Ko at Aba Po Santa Mariang Hari
- Ang Litanya ng Mahal na Birhen
- Dalit
- Pangwakas na panalangin
Mga pambungad na panalangin
Tatayo ang lahat.
Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.
Araw-Araw Kay Maria
Ito ay aawitin.
Araw-araw kay Maria, kami ay nagdarasal
Si Mariang Ina namin ibig naming marangal
Kanyang tulong lagi-lagi kami ay humihiling
Siya’y aming pupurihin tuwing araw at gabi.
Kung kami’y nasa panganib kay Maria tatakbo
Siya’y aming tatawagin kung lalapit ang tukso
O Maria tutulungan kaming nangabubuhay
Kami ay ipanalangin kung kami’y mamamatay.
Luluhod ang lahat.
Pagsisisi
Panginoon kong Hesukristo,
Diyos na totoo
at tao namang totoo,
gumawa at sumakop sa akin,
pinagsisisihan kong masakit
sa tanang loob ko
ang dilang pagkakasala ko sa iyo,
na ikaw nga ang Diyos ko
at Ama ko,
na iniibig kong higit sa lahat,
nagtitika akong matibay na matibay
na di na ako muling magkakasala sa iyo
at nagtitika naman akong magkukumpisal
ng dilang kasalanan ko.
Umaasa akong patatawarin mo rin
alang-alang sa iyong Mahal na Pasyon
at pagkamatay Mo sa krus,
dahilan sa akin.
Siya nawa.
Credo
Sumasampalataya ako
sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat,
na may gawa ng langit at lupa.
Sumasampalataya ako kay Hesukristo,
iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat.
Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo,
ipinanganak ni Santa Mariang Birhen.
Pinagpakasakit ni Poncio Pilato,
ipinako sa krus, namatay, inilibing.
Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao.
Nang may ikatlong araw nabuhay na mag-uli.
Umakyat sa langit.
Naluluklok sa kanan ng Diyos
Amang makapangyarihan sa lahat.
Doon magmumulang paririto
at huhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao.
Sumasampalataya naman ako
sa Diyos Espiritu Santo,
sa banal na Simbahang Katolika,
sa kasamahan ng mga banal,
sa kapatawaran ng mga kasalanan,
sa pagkabuhay na muli ng nangamatay na tao
at sa buhay na walang hanggan. Amen.
Ama Namin
℣. Ama namin, sumasalangit ka. Sambahin ang ngalan mo. Mapasaamin ang kaharian mo. Sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit.
℟. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw. At patawarin mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso. At iadya mo kami sa lahat ng masama. Amen.
Aba Ginoong Maria
℣. Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus.
℟. Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming makasalanan ngayon at kung kami’y mamamatay. Amen.
℣. Aba Ginoong Maria…
℟. Santa Maria, Ina ng Diyos…
℣. Aba Ginoong Maria…
℟. Santa Maria, Ina ng Diyos…
Luwalhati
℣. Luwalhati sa Ama at sa Anak at sa Espiritu Santo
℟. Kapara noong unang-una, ngayon at magpakailanman, magpasawalang hanggan. Amen.
Panalangin sa araw-araw
O Maawaing Birhen!
O Mahabaging Ina!
O Katamis-tamisang Maria,
aliwa’t takbuhan ng mga makasalanan,
pintakasi ng mga nabubuhay.
O Matapat na Arca,
na sumaklolo sa mundo
nang nasa malaking panganib na mabagbag
sa laot ng dagat!
O Maluningning na Balangaw ng kapayapaan,
nagbibigay ng tahimik
sa malaking digmaan ng langit at lupa,
ikaw ang tagasuyo namin
na maka-abot sa Panginoong Diyos
ng malaking patawad
sa mga makasalanang anak ni Adan!
O Kalinis-linisang kalapati
na nagdala ng sangang mayabong
ng lalong mabangong Oliva,
ikaw nga ang nagpahayag ng kapayapaan
dito sa kahabag-habag na bayan!
O Pintakasing walang ikalawa,
nang makita mo sa karamihan ng kasalana’y
mapang-anyaya ang mundo,
at Malapit na ang araw ng pagpapadala ng parusa
niyong pinagkasalanang Anak mong si Hesus,
ipinahayag mo kay Domingong anak
na hinirang ng iyong puso
ang lalong magaling na gamot,
matibay na kuta
at tiwasay na sakdalan ng Santo Rosaryo,
na siya mandin ang ikinapagbago ng buhay
ng mga bayang Kristiyano,
at ikinapagkamit ng tawad
sa lalong katakut-takot
at napupuot na Hukom!
Ipagkaloob mo sa amin,
O Inang lubhang mahabagin,
na sa kabagsika’t Karapatan
nitong kagaling-galingang debosyon
ay matuto kaming magpayapa
sa nagniningas na puot
ng ating Diyos at Panginoon,
at sa isang mataimtim na pagsisisi
at marapat na pagpepenitensiya’y
mapawi ang mga kasalanang
nakapagpapapukaw ng Kaniyang galit sa amin,
at makapagsauli kami
sa Kanyang mahal na grasya’t kalugurang Ama
at kung maaabot rin namin
ang tubig nitong tunay na pagsisisi
sa lahat ng nagging sala
at kung maabot namin ang patawad
ng kaibig-ibig mong anak
at mamahay na kami sa puso niya,
maging dapat kaming pagkalooban
niyong mahal na bendisyon
na ang wika: “Lapit na mga pinili’t hinirang
ng aking Ama at Ama naman ninyo
sa kaluwalhatian,
na dati ng handa magpasa mula’t mula.
Lapit na kayo mga masintahin
sa aking Ina at Ina ninyong lahat,
kayo’y maluwalhating manood
sa kanyang maluningning na mukha at puso
doon sa kaluwalhatian ng langit.
Siya Nawa.
Pagkatapos ng panalanging ito, ay isusunod ang panalangin sa bawat araw.
Panalangin sa bawat araw
Buksan ang panalangin para sa araw ng pagsisiyam na dinarasal.
Unang araw — Setyembre 28
Aba, Ginoong Maria,
mahal na ibon sa Paraiso:
Aba, kalapating walang kasinlinis,
na naglihi lalang ng Diyos Espiritu Santo
sa Ikalawang Persona
na nagkatawang-tao
sa lubos na ligaya ng puso mo:
Aba , Esposong malumbay,
na tumangis sa di maulatang hirap
ng mahal na Pasyon ng Iyong Hesus:
Aba , Birheng lubhang mapalad
na naglihi’t di nasiraan ng kalinisan
ng pagka-Birhen,
hindi nagdalang sakit sa pagdadalang-tao
at hindi nagdamdam ng hirap
sa panganganak:
Aba, Inang Kaibig-ibig,
na hindi nadapuan ng anumang kasalana’t
hindi narapatan ng ating mga pagdurusa.
Sa kabagsikan nitong mga Aba Ginoong Maria
ibinati naming sa Iyo’y
iligtas Mo kami sa mga kahirapa’t karalitaang
ipinamana sa buong kainapuhan niya
ng kauna-unahang ina nating salering si Eva:
palitan mo po ng kapatawaran
ang pananangis sa kasalanan
at gamitin mo ng kaluwalhatian
ang pagtitiis ng kaparusahan.
Siya Nawa.
Pagkatapos nito ay dumako sa Unang Misteryo ng Santo Rosaryo.
Ikalawang araw — Setyembre 29
Aba Ginoong Maria,
karikit-rikitang liwayway,
na sa panganganak mo
sa lalong masinag na araw
ng katuwirang si Hesus
ay niliwanagan Mo itong aming madilim
at nagpipighating lupa.
Mariang karagatan
ng madling kapaitang tiniis Mo
sa gitna ng mga matataas na daluyong
ng mahal na Pasion:
Mariang Haring Reyna’t Panginoon ng lahat,
na pinataas na lalo sa tanang kinapal,
nang putungan Ka ng Santisima Trinidad
ng korona ng pagkahari
ng langit at lupa.
Aba Maria
na talang maliwanag sa dagat,
durungawan sa Paraiso,
pinto sa kabuhayang walang-hanggan:
liwanagan Mo kami, O bituin!
At sa masinag na ilaw
ng iyong Santisimo Rosaryo’y
pawiin Mo ang makamamatay na kangitngitang
nagdidilim sa mga mata ng aming loob,
palitan ng kapaitan ng pagpepenitensiya
ang kaligayahang iniaalay sa amin
nitong magdarayang mundong
nagpapahulog sa amin sa kasalanan.
At yayamang tinatanganan mo
ang setro ng pagkahari
sa lupa’t sa langit
ay isauli Mo itong mga pinapanaw
na anak ni Eva
sa kaligayahang walang hanggan
sa langit.
Siya nawa.
Pagkatapos nito ay dumako sa Unang Misteryo ng Santo Rosaryo.
Ikatlong araw — Setyembre 30
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
puno ng grasya ang kalinis-linisan Mong sinapupunang
tinatahanan ng May-lalang
ng lahat ng grasya;
puno ng grasya ang mahal mong pusong mapalad
na sisidlan ng kapuspusan ng mga grasya;
puno ng grasyang pinakikinabangan ng mga Santos
at ipinamamahagi naman sa mga makasalanan;
puno ng grasya’t sa kapunuan Mo’y
nagmula ang pagtubos sa amin
at inaasahan namin ang ganting walang-hanggan.
Tulungan Mo kami,
O Inang puno ng grasya!
At alang-alang sa kamahalan
ng Aba Ginoong Mariang ibinati sa Iyo
ng Arkanghel,
at sa mga misteryo ng Iyong Santisimo Rosaryo’y
Makita naming muli
ang mahalagang hiyas ng Iyong mahal na grasyang
nawala sa amin dahilan sa kasalanan
at itong landas na lupa ng aming kaluluwa’y
luminis sa mga tinik ng masasamang ugali
at magsuot ng marikit na damit
ng mga kabanalang Kristiyano.
Siya nawa.
Pagkatapos nito ay dumako sa Unang Misteryo ng Santo Rosaryo.
Ikaapat na araw — Oktubre 1
Aba Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo:
sumasa-Iyo nga
dahil sa lubos na pagkakaisa
ng loob Mo’t kalooban ng Diyos;
sumasaiyo
dahil sa totoong pakikiratig ng katawan Mo
sa pagkapersona ng Anak ng Diyos;
sumasaiyo
dahil sa mataimtim na pakikipagkaibigan
Ninyong mag-ina,
at ang Anak Mo’y Anak din ng Diyos!
Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo,
parang mapagmahal na Panginoon
sa Kaniyang pinakamamahal na alipin,
parang masintahing Esposo,
parang mabait at masunuring Anak
sa Kaniyang iginagalang at iniibig na Ina,
O kataaas-taasang Haring Reyna!
Yayamang nasasa iyong mahal na kamay
ang kapangyarihang walang-hanggan ng Diyos
ay ipinagkaloob sa amin,
na sumasaamin naman
ang kamahal-mahalang Anak Mong si Hesus;
sumasaamin nga
sa isang totoong pagkabago
ng aming mga puso’t loob,
at sa marapat na pagtanggap namin
ng Kaniyang kasantu-santusang Katawa’t Dugo
sa Santisimo Sakramento.
Siya nawa.
Pagkatapos nito ay dumako sa Unang Misteryo ng Santo Rosaryo.
Ikalimang araw — Oktubre 2
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya
ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo,
bukod kang pinagpala;
pinagpala ka nga,
sapagkat ikaw lamang ang hindi naramayan
ng mga sumpa’t parusa ng Diyos
sa lahat ng ibang mga babaeng anak ni Eva,
at ikaw lamang ang hindi nagdamdam
ng anumang hirap
sa mapalad at maluwalhating panganganak Mo;
pinagpala ka
sapagkat ikaw lamang ang sumaklolo
sa kapahamakan ng buong kainapuhan ni Adan
sa harap ng ating Diyos at Panginoon;
pinagpala ka,
sapagkat Ikaw lamang ang nagyurak
ng ulo ng kaaway nating prinsipe ng kadiliman:
pinagpala ka,
sapagkat hind imo inalumana ang buhay mo,
nang Makita mo ang dalamhati’t kapighatian
ng mga anak ni Adan;
pinagpala ka,
sapagkat nagsuson-suson ka
ng mga awa mo sa amin;
ang mga awa ng mga misteryong
naganap dito sa mundo,
na iyong pinagpisan
sa Santong Rosaryo Mo.
O Mahal na Senyora!
Ipagkaloob mo po sa aming nangagdarasal
ng Iyong Rosaryo
ang isang lubos na pananalo
at pagtatagumpay sa mundo.
Siya nawa.
Pagkatapos nito ay dumako sa Unang Misteryo ng Santo Rosaryo.
Ikaanim na araw — Oktubre 3
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
ang Panginoong Diyos ay sumasa-Iyo,
bukod kang pinagpala sa babaeng lahat:
sa lahat ng babae,
sapagkat Ikaw na mag-isa’y nakapagkamit
ng tanang kagalingang kinamtan
ng isa’t-isa sa kanila;
lalo na sa lahat ng babae,
sapagkat ika’y tanging hinirang
sa kanilang lahat;
lalo sa mga birhen,
sapagkat ikaw lamang ang unang naghain sa Diyos
ng kalinisan ng pagkabirhen;
lalo sa mga may asawa,
sapagkat ikaw lamang ang naglihi’t
di nasiraan ng pagkabirhen;
lalo sa mga balo,
sapagkat ikaw lamang ang naghain
ng Anak Mong sarili,
na Anak mo rin kaming mga kahabag-habag
na anak ni Eva;
lalo kang pinagpala sa babaeng lahat
sapagkat ikaw lamang ang bukod na hinirang
na maging Ina ng Makapangyayari sa lahat
at pinaluklok Kang Haring Reyna
sa kanan ng sinisinta mong Anak.
Ilingap Mo sa amin,
mahal na Senyora,
iyang mga mata Mong maawain,
at ibuhos Mo ang kapunuan ng Iyong awa
sa mga saliwang palad na anak ni Adan,
ibangon Mo ang nangahahapay,
patapangin Mo ang mga mahihinang loob,
aliwin Mo ang mga nalulumbay,
tulungan at idaing Mo
ang lahat ng babaeng may loob sa Diyos.
Siya nawa.
Pagkatapos nito ay dumako sa Unang Misteryo ng Santo Rosaryo.
Ikapitong araw — Oktubre 4
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
ang Panginoong Diyos ay sumasa-Iyo,
bukod kang pinagpala sa babaeng lahat,
pinagpala naman ang Anak mong si Hesus:
mapalad nga ang bungang ibinigay sa mundo
ng kalinislinisan Mong tiyan,
parang lupang malinis
sa mga tinik ng kasalanan;
pinagpala nga ang bungang
ipinagkaloob mo sa amin,
amin na nga,
sapagkat inihain mo sa Diyos
at sa kamatayan
alang-alang sa amin
at amin nga sapagkat inihain mo
sa kalbaryo sa pagtubos sa amin
at amin naman,
sapagkat mula sa langit
ay ipinakikita mong nanininta
sa aming mga pinapanaw
dito sa bayang kahapis-hapis.
Mapalad ang bungang nanggaling sa Paraiso
ng halaman ng kalinislinisa’t birhen mong tiyan;
mapalad ang bungang pinitas
sa punong kahoy ng Santa Krus
at nakagaling sa aming kaluluwa;
mapalad ang bunga mong naghatid sa iyo sa langit,
nang mapuspos ang ligaya
ng mga lumuluwalhati roon,
idinadalangin po namin s aiyo,
O kalinis-linisang Birhen!
Na patikimin kami
ng masarap at mahalagang bunga
ng iyong mahal na sinapupunan,
at kung aming matikman dito
ang kanyang katamisan
sa magaling na pagninilay-nilay
ng mga misteryo ng iyong Santo Rosaryo
ay mananamnam naming lubos
ang maligayang piging sa kaluwalhatian.
Siya nawa.
Pagkatapos nito ay dumako sa Unang Misteryo ng Santo Rosaryo.
Ikawalong araw — Oktubre 5
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo,
bukod kang pinagpala sa babaeng lahat,
pinagpala naman ang Anak mong si Hesus;
pinagpala nga si Hesus
na bungang magaling
sa iyong kalinis-linisang sinapupunan;
sa iyong sinapupunang buhay na kaba
ng pinagtaguan ng mana
ng magmula sa kaluwalhatian;
sa iyong sinapupunan
malinis na sisidlang pinagsahuran
ng maginhawang hamog na galing sa langit;
sa iyong sinapupunang mahal na biril,
na pinagtaguan ng lalong mahalagang marikit
sa halamanang pinamutihan
ng masamyong bulaklak na rosas at liryos,
rosas na lalong Puspos
ng kalinisa’t kabanguhan
sa gitna ng mga tinik
ng mga dalita’t hirap
sa Mahal na Pasyon
ng sinisinta Monga nak,
at liryos na marilag
sa ningning ng maluwalhating pagkabuhay na mag-uli.
Ipagkaloob mo sa amin,
O Inang Kaibig-ibig,
na kami nama’y maging dapat
na magdala sa Mahal mong Hesus
sa aming mga puso’t loob
at sa paraan
ng isang maningas na pagsisisi’t pagbabalik-loob
sa kaniyang mahal na grasya’t
kabuhayang walang hanggan.
Siya nawa.
Pagkatapos nito ay dumako sa Unang Misteryo ng Santo Rosaryo.
Ikasiyam na araw — Oktubre 6
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
ang Panginoong Diyos ay sumasa-iyo,
bukod kang pinagpala sa babaeng lahat,
pinagpala naman ang Anak mong si Hesus;
si Hesus na ibinalita sa Iyo
ng Arkanghel na si San Gabriel ;
si Hesus na nagkatawang-tao
sa iyong sinapupunang birhen;
si Hesus na ipinanganak mong ilaw,
gamot, at kagalingan sa mundo;
si Hesus na ipinagsigawang Hari
ng mga Hudyo;
si Hesus na napadakip sa kanila
alang-alang sa pag-ibig niya sa atin;
si Hesus na namatay sa krus
sa pagtubos sa atin;
si Hesus na nabuhay na mag-uli;
si Hesus na umakyat sa langit
at naluklok sa kanan ng Diyos Ama
at nagputong sa iyo ng korona
ng pagka-Haring Reyna ng lupa’t langit;
si Hesus na namagitan sa Diyos Ama
ng kami ay papagkamtin
ng kaniyang kaluwalhatian;
ang buong Hesus,
O Mahal na Senyora!
ang iniaalay namin sa iyo
sa Santisimo Rosaryo,
tanggapin mo po,
parang haing kinalulugdang lubos
ng iyong puso,
at gantihan mo naman itong aming alay sa iyo
sa pagkakaloob sa amin
ng biyayang hinihiling
ng aming puso’t ikinatatapos namin
nitong pagnonobena.
Santa Maria,
sakdal awa’t pag-ibig,
Ina ng Diyos at Ina namin!
Ipanalangin mo kaming mga anak mong makasalanan
ngayon sa buhay na ito,
nang kami’y makapagkamit
ng grasya’t kapagtawaran
at sa oras naman ng aming pagkamatay
nang kami’y magkamit
ng kabuhaya’t kaluwalhatiang walang hanggan.
Siya nawa.
Pagkatapos nito ay dumako sa Unang Misteryo ng Santo Rosaryo.
Mga misteryo ng Santo Rosaryo
Ang Mga Misteryo Ng Tuwa (Lunes At Sabado)
- Ang pagbabalita ng Arkanghel San Gabriel sa Mahal na Birhen Maria.
- Ang pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria kay Santa Isabel na kanyang pinsan.
- Ang pagsilang sa daigdig ng Panginoong Hesukristo sa yungib ng Belen.
- Ang paghahandog ng sanggol na si Hesus sa templo.
- Ang pagkatagpo kay Hesus sa loob ng templo ng Jerusalem.
Ang Mga Misteryo Ng Hapis (Martes At Biyernes)
- Ang pananalangin at paghihirap ni Hesus sa halamanan ng Getsemani.
- Ang paghampas kay Hesus na nakagapos sa haliging bato.
- Ang pagpuputong ng koronang tinik kay Hesus.
- Ang pagpapasan ng krus.
- Ang pagpapako at pagkamatay ni Hesus sa krus.
Ang Mga Misteryo Ng Liwanag (Huwebes)
- Ang pagbibinyag kay Hesus sa ilog Jordan.
- Ang unang himala ni Hesus sa kasalanan sa Cana Galilea.
- Ang pagpapahayag ni Hesus sa kaharian ng Diyos, sa pagtawag patungo sa pagbabago.
- Ang pagbabagong-anyo ni Hesus sa bundok ng Tabor.
- Ang pagtatatag ni Hesus sa Banal na Eukaristiya, bilang pagpapahayag na Sakramental ng Misteryong paskuwal.
Ang Mga Misteryo Ng Luwalhati (Miyerkules At Linggo)
- Ang pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Hesukristo.
- Ang pag-akyat sa langit ng Panginoong Hesukristo.
- Ang pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga Apostoles at sa Mahal na Birheng Maria.
- Ang pag-aakyat sa langit ng Mahal na Birhen kaluluwa’t katawan.
- Ang pagpuputong ng korona sa Mahal na Birhen bilang Reyna ng langit at lupa.
Pagkatapos ng mga misteryo
O Hesus Ko
O Hesus ko, patawarin mo kami sa aming mga sala, iligtas mo kami sa apoy ng impiyerno. Hanguin mo ang mga kaluluwa sa purgatoryo, lalong-lalo na yaong mga walang nakaka-alaala.
℣. O Maria, ipinaglihing walang sala.
℟. Ipanalangin mo kaming sayo’y dumudulog.
Aba Po Santa Mariang Hari
Aba po Santang Mariang Hari,
Ina ng Awa,
ikaw ang kabuhayan at katamisan,
aba, pinananaligan ka namin.
Ikaw nga po ang tinatawag namin,
pinapanaw na taong anak ni Eba.
Ikaw rin ang pinagbubuntung-hininga namin,
ng aming pagtangis,
dini sa lupang bayan ng kahapis-hapis.
Ay aba, pintakasi ka namin,
Ilingon mo sa amin ang mga mata mong maawain,
at saka kung matapos
yaring pagpanaw sa amin,
ay ipakita mo sa amin
ang iyong anak na si Hesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos,
maawain, maalam, at matamis na Birhen.
℣. Ipanalangin mo kami, Reyna ng Kasantu-santuhang Rosaryo .
℟. Nang kami ay maging dapat makinabang sa mga pangako ni Hesukristong Panginoon.
Ang Litanya ng Mahal na Birhen
℣. Panginoon, maawa ka sa amin.
℟. Panginoon, maawa ka sa amin.
℣. Kristo, maawa ka sa amin.
℟. Kristo, maawa ka sa amin.
℣. Panginoon, maawa ka sa amin.
℟. Panginoon, maawa ka sa amin.
℣. Kristo, pakinggan mo kami.
℟. Kristo, pakapakinggan mo kami.
Ang isasagot sa namumuno sa mga sumusunod ay: Maawa ka sa amin.
℣. Diyos Ama sa langit
℣. Diyos Anak na tumubos sa sanlibutan
℣. Diyos Espiritu Santo
℣. Santisima Trinidad na tatlong Persona at iisang Diyos
Ang isasagot sa namumuno sa mga sumusunod ay: Ipanalangin mo kami.
℣. Santa Maria
℣. Santang Ina ng Diyos
℣. Santang Birhen ng mga Birhen
℣. Ina ni Kristo
℣. Ina ng grasya ng Diyos
℣. Inang kasakdal-sakdalan
℣. Inang walang malay sa kahalayan
℣. Inang di malapitan ng masama
℣. Inang kalinis-linisan
℣. Inang pinaglihing walang kasalanan
℣. Inang kaibig-ibig
℣. Inang kataka-taka
℣. Ina ng mabuting kahatulan
℣. Ina ng may gawa sa lahat
℣. Ina ng mapag-adya
℣. Birheng kapahampahaman
℣. Birheng dapat igalang
℣. Birheng dapat ipagbantog
℣. Birheng makapangyayari
℣. Birheng maawain
℣. Birheng matibay na loob sa magaling
℣. Salamin ng katuwiran
℣. Luklukan ng karunungan
℣. Mula ng tuwa namin
℣. Sisidlan ng kabanalan
℣. Sisidlan ng bunyi at bantog
℣. Sisidlan ng bukod-tanging katimtiman
℣. Rosang bulaklak, na di mapuspos ng bait ng tao ang halaga
℣. Torre ni David
℣. Torreng garing
℣. Bahay nag into
℣. Kaban ng tipan
℣. Pinto ng langit
℣. Talang maliwanag
℣. Mapagpagaling sa mga maysakit
℣. Pagsasakdalan ng mga taong makasalanan
℣. Mapang-aliw sa nangagdadalamhati
℣. Mapag-ampon sa mga kristiyano
℣. Reyna ng mga anghel
℣. Reyna ng mga patriarka
℣. Reyna ng mga propeta
℣. Reyan ng mga apostol
℣. Reyna ng mga martir
℣. Reyna ng mga confessor
℣. Reyna ng mga Birhen
℣. Reyna ng lahat ng mga santo
℣. Reynang ipinaglihi na di nagmana ng salang orihinal
℣. Reynang iniakyat sa langit
℣. Reyna ng kasantu-santuhang rosaryo
℣. Reyna ng kapayapaan.
℣. Kordero ng Diyos na nakawawala ng mga kasalanan ng sanlibutan,
℟. Patawarin mo po kami, Panginoon.
℣. Kordero ng Diyos na nakawawala ng mga kasalanan ng sanlibutan,
℟. Pakapakinggan mo po kami, Panginoon.
℣. Kordero ng Diyos na nakawawala ng mga kasalanan ng sanlibutan,
℟. Maawa ka sa amin.
Dalit
℣. Araw-araw ay sumaya, ng matamis na Ligaya
℟. Dasalin ng buong sinta, ang rosaryo ni Maria
℣. Malaking kapangyarihan nitong Trinidad na Mahal, siyang nagtanim ng Rosal, tribunal ng kaawaan. Sa ganitong kamahalan, Birhe’y sambahi’t luhuran.
℟. Dasalin ng buong sinta, ang rosaryo ni Maria
℣. Aming utang Inang tunay, ang pag-ibig mong malaman, kaya po handa na naman, Bating kapakumbabaan, ang Ave, ipinagdiriwang, wikang pang-alis ng lumbay,
℟. Dasalin ng buong sinta, ang rosaryo ni Maria
℣. Tao’t anghel ay magpisan, Ave, awiti’t idangal, dalit na kinalulugdan ng mga taingang banal, at ang demonyong kaaway, nailag sa gayong diwang.
℟. Dasalin ng buong sinta, ang rosaryo ni Maria
℣. Sa sinapupunan mong banal, doon nagkatawang tao, dahilang ipinarito kahinayangan sa tao, Rosal kang sakdal ng bango, nangayupapang totoo.
℟. Dasalin ng buong sinta, ang rosaryo ni Maria
℣. Ang rosal at tronong mahal, nagdala ng rosang hirang, sa malaking kabanguhan ay magmula ngayong araw, Prekursor ay napawian dating salang orihinal.
℟. Dasalin ng buong sinta, ang rosaryo ni Maria
℣. Ipinanganak si Hesus, niyong limang maalindog, gamot at siyang sumakop, sa sala nating tibobos, dahilan sa pagkalunos, nitong mag-inang sing-irog.
℟. Dasalin ng buong sinta, ang rosaryo ni Maria
℣. Ipinasok sa simbahan, ang rosang bango ay sakdal, at inihain ang buhay, tubos na kapangakuan, Ama’y napawi ang lumbay, at ang galit ay naparam.
℟. Dasalin ng buong sinta, ang rosaryo ni Maria
℣. Tatlong araw na nawalay, ang anak na kaibigan, di masabing kalumbayan, Birhen ang iyong dinamdam, pagdalangin ay mataman, mawili sa iyong kamay.
℟. Dasalin ng buong sinta, ang rosaryo ni Maria
℣. Yaong bulaklak na ibig, dugo ang ipinawis, kulay pa’y kahapis-hapis, sa sala namin ay bihis, nang mapayapa ang init, sa Diyos na pagkagalit.
℟. Dasalin ng buong sinta, ang rosaryo ni Maria
Pangwakas na panalangin sa araw-araw
O kagaling-galingang Diyos
na dahil sa malaking pag-ibig mo sa amin
ay ipinagkaloob mo
ang bugtong na Anak mo
at nang sa pamamagitan
ng kaniyang buhay,
pagkamatay
at pagkabuhay na mag-uli
ay magkamit kami
ng kabuhayang walang hanggan!
Idinadalangin namin sa Iyo
na sa pagninilay-nilay
ng mga misteryo ng pagtubos sa amin
na nalalaman sa Santisimo Rosaryo
ng kamahal-mahalang Birhen Maria’y
matutong maglingkod sa kaniya
ng buong sinta’t kabanalan ng loob
at nang kung kami’y sumunod
sa mga magagaling na halimbawang
ibinibigay sa amin ni Hesus at ni Maria
ay makamtan naman namin
ang ganti’t biyayang
ipinangangako nitong dalawang mag-ina,
lalung-lalo na ang grasyang
idinaraing namin dito sa pagnonobena
at saka naman
ang isang Magandang kamatayan
at nang kami’y makapagpuri sa kanila
kasama ng mga anghel
magpasawalang-hanggan.
Siya nawa.
Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.